Ang TB ay isang uri ng sakit na dulot ng mikrobyong Mycobacterium tuberculosis na madalas makaapekto ng baga. Maaari ring maapektuhan ang ibang bahagi ng katawan gaya ng buto, utak, bato, at atay. Alamin ang tamang impormasyon para sa iyong matagumpay na paggaling.
Paano nakakahawa ang TB?
Ang TB ay naipapasa kung ang isang tao ay makalanghap ng mikrobyo ng TB na nasa hangin galing sa ubo o bahing ng taong may TB.
Tandaan na ang TB ay:
HINDI namamana.
HINDI nakukuha sa pagpapagod, pagpupuyat, o pagkatuyo ng pawis sa likod.
HINDI naipapasa sa paggamit ng kubyertos o baso ng taong may TB.
HINDI nakukuha sa kagat ng lamok.
HINDI naipapasa sa paggamit ng damit o kumot ng taong may TB.
Paano ginagamot ang TB?
Ang TB-DOTS o Tutok Gamutan ang pinakamabisang paraan para magamot ang TB. Kailangan lamang ng di bababa sa 6 buwang tuloy-tuloy na gamutan. Iinumin ang mga gamot para sa TB araw-araw sa gabay ng health service provider. Importanteng hindi mahinto ang gamutan upang hindi umabot sa pagiging drug resistant ang TB (DR-TB), dahil magiging mas matagal ang gamutan (hanggang 24 na buwan) o maging dahilan ng iyong pagkamatay.
Ano ang mga side effects ng gamutan?
Posible na ikaw ay makaranas ng mga side effects gaya ng pangangati ng balat, kawalan ng gana kumain, pamamanhid ng paa, at iba pa. Ito ay panandalian lamang at di kailangan ikabahala. Importanteng ipaalam sa iyong health service provider ang iyong mga nararamdaman upang malunasan ito kaagad.
Ano ang mangyayari pag hindi mo tinapos ang gamutan?
Kapag hindi nakumpleto nang tama ang pagpapagamot, maaaring maging Multi-Drug Resistant (MDR) na ang TB mo. Kapag umabot na sa MDR-TB, hindi na magiging mabisa ang mga gamot na kasalukuyan mong iniinom.
Ang MDR ay isang malalang uri ng TB dahil:
Mas mahirap gamutin. Mas mahal at mas marami ang kailangang gamot. Mas matagal ang gamutan, umaabot ng 18-24 na buwan.
Mas madalas na mararanasan ang mga side effects ng mga gamot para sa MDR-TB gaya ng pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng tiyan, lagnat, kawalan ng gana, at iba pa. Kaya importante na makumpleto mo nang tama ang iyong kasalukuyang gamutan.
Patient-centered Care
Ang inyong health service provider (HSP) ay nakahandang magbigay sa iyo ng alagang makatao, kaya mahalagang maipahiwatig sa kanya ang mga posibleng maging problema o hadlang sa iyong gamutan. Matutulungan kayo ng inyong health service provider na tugunan ang posibleng mga hadlang sa iyong gamutan.
Mga Responsibilidad mo Bilang Pasyente
Ipaalam ang mga nauukol na impormasyon sa iyong health service provider, gaya ng mga nakaraang at kasalukuyang karamdaman.
Sundan ang schedule ng pag-inom ng gamot araw-araw para masiguro ang paggaling.
Tumulong sa pag-iwas sa pagkalat ng TB sa komunidad sa pamamagitan ng paghikayat sa mga kakilalang nagpapakita ng sintomas ng TB na kumonsulta agad sa Center.
Makiisa sa mga kapwa pasyente sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanilang pagpapagaling at pagbahagi ng tamang kaalaman na natutunan habang nagpapagamot.
Bilang pasyente, karapatan mong:
Magamot nang tama at libre na naaayon sa International Standards for Tuberculosis Care.
Tumanggap ng makataong serbisyo nang walang diskriminasyon o panghuhusga.
Mabigyan ng tama, malinaw, at napapanahong impormasyon tungkol sa TB, ireresetang gamot, at posibleng side effects nito.
Base sa mga ibinabahaging mga alternatibo, pumili ng naaangkop na gamutan at ang magiging epekto nito.
Pangalagaan ang iyong pribadong buhay at karangalan tungkol sa iyong kondisyong medikal.
Makamit ang hustisya at lunas kung nalabag ang karapatan mo bilang pasyente.
Mabigyan ng seguridad sa trabaho pagkatapos ng gamutan at rehabilitasyon.
REPUBLIC OF THE PHILIPPINES
All content is in the public domain unless otherwise stated.
ABOUT GOVPH
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works, and the people behind it.